12193920_10201187343123818_588051068_o.jpg
Nakakatuwang isipin na
Sa anibersaryo ng pagsunog mo’y
Biglang bumuhos ang ulan.
 
Para bang sumasabay ang kalikasan
Sa pagluluksa sa mga nawala
Kay tamis makita ang bawat patak
 
Kung dumating ba ng mas maaga
May masasagip pa kaya?
Wala nang magawa kung hindi mag-hinala
Note: Isang taon na ang nakalipas nang masunog ang FC, o Faculty Center, ng UP Diliman. Ito ang nag-iisang larawan na nakuha ko sa loob ng FC. 

Sige Na, Ako Na

Sa bawat sinag ng araw na ang binabalik sa akin ay ambon,
Bawat oras ng bukas na magiging isang simpleng kahapon,
Sa bawat sandaling huli na ang pag-dating,
Bawat “hindi ako pwede”, “busy ako”, o ano pang sinungaling.

Kahit ako na ang maghintay,
Kahit ako nalang ang magpuyat,
Kahit ako nalang ang tumayo dito
At ikaw nalang ang lumakad palayo

Sige na, ako na ang magdudusa.

Kung ang kapalit naman pala ay ika’y hindi na mapapahamak
Kung ang kapantay naman ay ang iyong tuwa at ligaya
Kung ang kailangan mo lang ay ang aking puso at diwa,
Ok lang, mahal, sige na, ako na.

Isang pahayag na dati’y sobrang tamis
Ngunit ngayo’y sobrang laki ng hinagpis
Pinipilit na ngumiti sa bawat sandali
Kahit na mata’y pula sa hapdi

Sige na. Oo na. Ako na ang may mali.

Sa bawat imbitasyon, bawat lakad, at bawat hamon,
Bawat pagtawag ng saklolo na hindi mo naririnig
Bawat oras na sinayang sa paghintay at pagtimpi
Bawat pagkunwari para lang ika’y bumalik.

Ako ba’y naririnig na ngayon? Sige na, ako na.

 

Ano ba… Ako nalang palagi.

 

Hindi… Ok lang.

 

 

 

Teka.

Ok nga lang ba?

Sige Na, Ako Na

Pangalan Ko’y Kalikasan

A/n: Essay na ginawa ko para sa Filipino class namin noong Dec 30 2013.

Pangalan ko’y Kalikasan. Bihira lang ako pansinin ng tao, at nakakalungkot ito dahil mahal ko ang tao, at nakaraan ay may isa kaming matamis na pagkakaibigan. Tugunan ang aming relasyon at balanse ang mundo. Ngunit sa panahon ngayon, ang tao ay lumalayo na saakin, lumalapit nalang kapag may kailangan, kinukuha ang laman na gusto at binabato saakin ang buto-buto. Kahit masakit sa aking kalooban ay hindi ako kailanman susuko. Dahil pag namatay ako, mamamatay rin ang tao. At hindi kaya ng puso ko, dahil may mga tao pa rin sa mundo na, kahit minsan, ay tumutulong saakin. Isa na doon si Nicole, isang batang nananahimik, at bihirang mapansin.

Bata pa lang sya’y malapit na sya sa puso ko, at dahil bihira na ako magkaroon ng kaibigan, naging malapit na rin ako sa kanya. Bata pa lang sya’y mas gusto na nyang maglakad sa damo kaysa sa konkreto. Nang tumanda sya’y sinisita nya ang mga kaibigan nyang hindi rumerespeto saakin. Kapag umiiyak ako at tumutulo ang luha ko sa lupa ng tao, ngingiti sya at ipipikit ang kanyang mata – iniisip nya kung gaano ako kaganda, kahit na nagmumukmok ako dahil wala akong kasama.

Nang maranasan nya maging masaya ay naisipan nyang pumitas ng bulaklak at ihagis ito sa mga ulap. Nang maranasan nya maging malungkot ay ginugunihin nya ang sarili nyang burol – at ang kabaong nya’y gawa sa kahoy at may suot syang korona ng rosas, at dahan dahan syang itutulak sa dagat kung saan kami magkakaisa. Nakapikit ang kanyang mata – at naisip ko kung gaano sya kaganda, kahit na lumuluha ang kanyang muka dahil minsa’y wala syang kasama.

Dahil doon, araw-araw ay hinihinipan ko sya ng hangin. Kahit saan sya pumunta’y hindi sya gaano naiinitan, hindi tulad ng iba. Dahil tunay ngang hindi sya katulad ng iba. Minahal nya ako kahit wasak-wasak na ako sa maraming sulok ng aking katawan. Malapit na akong sumuko, at bumigay, ngunit dahil may batang naniniwala na ako’y maganda pa rin, at dahil tuluyan syang nagiging mapagpakumbaba pagdating sa akin, hindi ako susuko sa tao. Dahil nalaman ko na, marami man ang mang-iwan sa iyo, ito naman ang magiging dahilan kung bakit ang kakapiranggot na natira ay magiging espesyal sa buhay mo.

Pangalan Ko’y Kalikasan